-- Advertisements --

Isinailalim sa restrictive custody ang 22 pulis na umano’y sangkot sa hazing ng tinatayang 100 bagong recruit sa Lamitan City, Basilan, ayon sa Philippine National Police (PNP) noong Martes.

Sa kabuuang bilang, walong police commissioned officers at 14 non-commissioned officers ang kabilang sa 22 pulis.

Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño, 12 sa kanila, kabilang ang commander ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB)-14B ang kinasuhan ng paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018.

Sinabi rin ni Tuaño na ang mga kinasuhan ay nakilala batay sa mga sinumpaang salaysay at medical certificates ng mga biktima.

Ayon pa sa PNP spokesperson , ang commander ng RMFB-14B ay hindi lamang mananagot sa command responsibility kundi nakita rin umanong may pisikal na presensya habang nagaganap ang insidente. Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang lawak ng kanyang partisipasyon.

Bukod sa 22 pulis, 55 pang personnel ng RMFB-14B ang inalis muna sa kanilang mga puwesto, kaya’t umabot na sa 77 ang kabuuang bilang ng mga pulis na nasangkot sa isyu.

Nilinaw ni Tuaño na hindi nangangahulugang lahat ng na-relieve ay may direktang partisipasyon sa hazing, at pansamantala silang inatasang mag-report sa regional headquarters habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ibinunyag din ni Tuaño na isa sa mga na-relieve ang responsable sa paglabas ng viral video. Ayon sa PNP, naniniwala umano ang naturang personnel na makatutulong ang paglalabas ng video upang tuluyang matigil ang ganitong uri ng “welcome rites” sa hanay ng pulisya.

Samantala, ilan sa mga recruit na sumailalim sa medical examination ay pinayuhang magpahinga ng hanggang siyam na araw dahil sa mga tinamong pasa at hematoma.

Itinanggi naman ni Tuaño ang mga ulat na may mga biktimang nasa kritikal na kondisyon.

Aniya, walang biktimang kinailangang manatili sa ospital nang higit sa isang araw. Ipinaliwanag din niya na ang mga ulat ng pagkawala ng malay ng ilang recruit ay maaaring dulot ng kombinasyon ng physical excersise at hazing.

Sa ilalim ng Anti-Hazing Law, ang mga pinsalang nangangailangan ng gamutan mula isa hanggang siyam na araw ay may katapat na parusang anim na taon at isang araw hanggang walong taong pagkakakulong, kapag napatunayang nagkasala.

Sa kabila ng insidente, sinabi ng mga awtoridad na wala umanong intensyon ang mga recruit na humiling ng transfer ng kanilang deployment.

Sa ilalim ng zero-tolerance policy ng PNP, haharap sa parehong administratibo at kriminal na kaso ang mga mapapatunayang sangkot, kabilang ang posibleng pagkakatanggal sa serbisyo at pagkakakulong alinsunod sa Republic Act 11053.