-- Advertisements --

Nanawagan sina Camarines Sur Reps. Luigi at Migz Villafuerte sa Senado na agarang ipasa ang House Bill No. 7239 o Line Workers Insurance and Benefits Act, na naglalayong magbigay ng mandatory insurance at iba pang benepisyo sa mga line worker sa sektor ng kuryente at telekomunikasyon.

Inaprubahan na ng Kamara ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa sa botong 197-0, ngunit kailangan pa itong aksyunan ng Senado upang maisabatas. Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ang mga line worker ng life, accident, disability, medical, at retirement benefits bilang pagkilala sa mataas na panganib ng kanilang trabaho, lalo na tuwing may kalamidad.

Saklaw ng HB 7239 ang mga line worker sa telecom at power companies, contractors, electric cooperatives, at grid operators. Itinatakda rin na sasagutin ng mga employer ang 100% ng insurance premiums, at hindi dapat mabawasan ang anumang kasalukuyang benepisyong tinatamasa ng mga manggagawa. (report by Bombo Jai)