-- Advertisements --

Sabay-sabay na nagbukas ng limang (5) spillway gate ang mga major dams sa Luzon bunsod ng nagpapatuloy na sama ng panahon dulot ng bagyong Ramil (Fengshen), ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.

Batay sa report ng Hydrology Division ng state weather bureau, nagbukas ng tig-iisang spillway gate ang Angat Dam at Ipo Dam, bago maabot ng parehong dam ang kani-kanilang normal high water level (NHWL).

Habang sa Benguet, parehong nagpakawala ng bultong tubig ang Ambuklao at Binga Dams, gayundin sa Magat Dam sa pagitan ng Ifugao at Isabela.

Naitala rin ang pagtaas ng tubig sa La Mesa, San Roque, at Pantabangan Dams dahil sa tuloy-tuloy na ulan ayon sa weather bureau.

Samantala itinaas na ng PAGASA ang Signal No. 2 sa ilang bahagi ng Nueva Vizcaya, Benguet, Pangasinan, Bulacan, at Quezon City, habang tinatayang aabot sa 100–200 mm ng mga serye ng ulan ang mararanasan sa ilang probinsya sa Luzon at 50–100 mm naman sa Metro Manila at mga kalapit na lugar.