-- Advertisements --

Tuluyan nang isinara ng Ipo Dam at Magat Dam ang mga spillway gate na unang binuksan dahil sa mga serye ng malalakas na pag-ulan.

Huling nagpakawala ng mahigit 300 cms ng tubig ang Magat habang 34 cms naman ang pinapakawalan ng Ipo bago nagsara.

Sa kasalukuyan, nananatiling nakabukas ang spillway gate ng tatlong pinakamalalaking dam sa bansa: San Roque, Ambuklao, Binga.

Sa Ambuklao, ibinaba na sa 6 na gate ang nakabukas mula sa dating walo. Kasalukuyan itong nagpapakawala ng 450 cms ng tubig.

Sa Binga Dam, nananatili namang nakabukas ang anim nitong spillway gate at nagpapakawala ng 532 cms.

Dinagdagan naman ng San Roque Dam ang pinapakawalan nitong tubig matapos buksan ang isa pang gate.

Sa kasalukuyan, nagpapakawala ito ng 500 cms ng tubig mula sa dalawang spillway na nakabukas. Halos doble ito ng dating 256 cms na pinapakawalan kahapon.

Sa kabila kasi ng pagpapakawala nito ng tubig simula kahapon, muling umangat ng 1.64 meters ang antas ng tubig sa naturang dam at lalo pang tumaas sa 282.67 ang water level nito.

Ito ay halos tatlong metrong mas mataas kumpara sa 280 meters na normal high water level ng dam.