Lalo pang tumaas ang lebel ng tubig sa Ambuklao, Binga, at Magat Dam, sa kabila ng ilang araw nang pagpapakawala ng tubig.
Maalalang nitong nakalipas na lingo pa nagbukas ng floodgate ang tatlong mga nabanggit na dam, dahil sa malawakang pag-ulan sa watershed area ng mga ito.
Gayunpaman, sa report ng Hydrology Division ng state weather bureau ngayong Setyembre-19, pawang nagrehistro ng pagtaas ng antas ng tubig ang mga naturang dam.
Sa kasalukuyan ay nagpapakawala ng mahigit 74 cubic meters per second (CMS) ang Ambuklao Dam ngunit umangat pa rin ang tubig nito sa halos 20 sentimetro. Kasalukuyang nasa 751.18 meters ang lebel nito, o halos isang metro bago maabot ang normal high water level (NHWL) na 752 meters.
Umangat naman ng mahigit 32 cm ang antas ng tubig sa Binga at naabot ang antas na 573.83 meters. Ito ay mahigit isang metro na lamang bago maabot ang NHWL na 575 meters.
Sa Magat Dam, bahagyang umangat ang antas nito sa kabila ng pagpapakawala ng malaking bulto ng tubig na aabot sa 504 cms.
Ayon sa weather bureau, apektado ang malaking bahagi ng bansa sa mga serye ng mabibigat na pag-ulan, lalo na sa Luzon na unang tinamaan ng bagyong Mirasol at kasalukuyan ding tinutumbok ng bagyong Nanding.
Maliban sa tatlong nabanggit na dam, umangat din ang tubig ng Angat Dam sa Central Luzon.