Lalo pang dumami ang bilang ng mga dam na nagpapakawala ng tubig dahil sa halos walang tigil pa ring pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon.
Mula pa nitong nakalipas na lingo, nagbukas na ng mga gate ang Magat Dam, Ambuklao, Binga, at Ipo Dam.
Ngayong araw (July 31) nagpapakawala na rin ng 256 cubic meters per second (CMS) ang pinakamalaking dam sa Pilipinas na San Roque Dam kasunod ng pagbubukas ng isang floodgate.
Lumagpas na kasi sa normal high water level (NHWL) ang antas ng tubig sa naturang dam at sa kasalukuyan nasa mahigit 281 meters na ang water level nito, mahigit isang (1) metrong mas mataas kumpara sa 280 meters.
Sa nakalipas na 24 oras, muling nadagdagan ng halos apat na metro ang antas ng tubig sa naturang dam.
Samantala, nananatiling bukas ang walong gate sa Ambuklao Dam at nagpapakawala ng mahigit 518 cms ng tubig.
Nakabukas din ang anim na gate sa Binga Dam at nagpapakawala ng mahigit 570 cms.
Tig-isang gate naman ang nakabukas sa Magat Dam at Ipo Dam. Mahigit 380 cms ang pinapakawalan ng Magat habang 33 cms lamang ang pinapakawalan ng Ipo Dam.
Sa kasalukuyan, nananatiling nakataas sa Yellow Rainfall Warning ang ilang probinsya sa Northern Luzon.