-- Advertisements --

Muling lumubo ang tubig sa ilang maraming major dam sa Luzon dahil sa mga serye ng pag-ulan sa loob ng ilang araw.

Batay sa report ngayong araw ng Hydrology Division ng state weather bureau, Ilan sa mga dam ay nadagdagan ng mahigit dalawang metro na antas ng tubig sa nakalipas na 24 oras.

Nangunguna sa mga nakapagrehistro ng mataas na antas ay ang Magat Dam na nadagdagan ng 2.78 meters, dahilan upang lumagpas na ito sa normal high water level (NHWL) na 190 meters.

Sinundan ito ng Binga Dam na nagrehistro ng 2.15 meters habang 1.87 meters ang naidagdag sa Ambuklao.

Maliban sa tatlong malalaking dam, umangat din ang antas ng tubig sa Pantabangan Dam, at Angat Dam sa Central Luzon.

Dahil sa patuloy na pag-ulan, binabantayan ng weather bureau ang sitwasyon sa lahat ng mga dam, para sa agarang paglalabas ng abiso, lalo na kung kinakailangang magbukas ng floodgate.

Sa kasalukuyan, tanging ang Magat Dam ang may nakabukas na gate. Dalawa sa floodgate nito ang nagpapakawala ng tubig na aabot sa 816.78 cubic meters per second.