-- Advertisements --

Umangat ang antas ng tubig sa mga pangunahing dam sa Luzon dahil sa malawakang pag-ulan, dulot ng bagyong Mirasol.

Batay sa report na inilabas ng Hydrology Division ng state weather bureau ngayong araw (Sept. 17), pawang nagrehistro ng pagtaas sa antas ng tubig ang Angat Dam, San Roque Dam, at Pantabangan Dam.

Pinakamalaki ang naireshistrong pagtaas sa Angat na umabot ng halos 70 centimeters.

Sa kabilang banda, nagpapakawala naman ng tubig ang tatlong iba pang malalaking dam sa Luzon: Ambuklao Dam, Binga Dam, at Magat Dam.

Tinaasan ng Ambuklao ang bulto ng tubig na pinapakawalan nito mula sa dating 57 cms ay umangat na sa 113.28 cms ngayong araw.

Nagpapakawala naman ng mahigit 118 cms na tubig ang Binga – mahigit doble kumpara sa 53 cms na pinapakawalan nito sa nakalipas na araw.

Sa Magat Dam, nagpapakawala ito ng hanggang 440 cms ng tubig.

Tiniyak naman ng weather bureau ang paglalabas ng napapanahong impormasyon ukol sa sitwasyon ng mga naturang dam, upang maabisuhan ang mga residenteng nakatira malapit sa mga naturang dam.