Sunod-sunod na nagsara ng spillway gate ang mga major dam sa Luzon, kasabay ng tuluyang paghupa ng mga malawakang pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa.
Batay sa report ng Hydrology Division ng state weather bureau ngayong Oktubre 9, magkakasunod na nagsara ng spillway gate ang Magat Dam, Ambuklao, at Binga Dam, tatlong malalaking dam na sabay-sabay na nagpapakawala ng bulto ng tubig sa mga nakalipas na lingo.
Ang mga nabanggit na dam ay pawang lumubo dahil sa mabibigat na pag-ulan mula pa noong bagyong Mirasol hanggang nitong nakalipas na bagyong Pepito.
Sa kasalukuyan, nananatiling mataas pa rin ang lebel ng tubig, kapwa sa Ambuklao at Binga kung saan halos isang metro lamang bago maabot ng parehong dam ang kani-kanilang normal high water level (NHWL).
Sa tatlong dam na nagpakawala ng malalaking bulto ng tubig, tanging ang Magat Dam ang nagrehistro ng ‘significant decrease’ kung saan ang kasalukuyang lebel nito ay halos walong metrong mas mababa kumpara sa NHWL nito.
Una nang inanunsyo ng state weather bureau ang pagtatapos ng hanging habagat na nagdulot ng malawakang pag-ulan at mga serye ng pagbaha sa malaking bahagi ng Pilipinas.
Ito rin ang hudyat ng inaasahang pagsisimula ng hanging amihan, ang malamig na hangin na karaniwang iniuugnay sa holiday season.