-- Advertisements --

Pinahintulutan ng House of Representatives ang Committee on Justice na ipagpatuloy ang mga pagdinig sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte kahit naka-recess o walang session ang Kongreso.

Ito ay matapos pagtibayin ng Kamara ang House Resolution No. 892 na nagbibigay-kapangyarihan sa komite na magpulong mula Marso 21 hanggang Mayo 3, 2026, panahon ng recess ng kongreso.

Layunin nito na mas mapabilis ang takbo ng impeachment process at hindi maantala ang pag-evaluate sa reklamo.

Sa ilalim ng resolusyon, maaaring magpatuloy ang pagdinig, pagtanggap ng ebidensya, at paglabas ng mga subpoena gaya ng subpoena ad testificandum at subpoena duces tecum, kahit recess.

Pinayagan din ang komite na ipatupad ang Section 8 ng Rules of Procedure in Impeachment Proceedings para sa proteksyon ng mga complainant at testigo.

Dahil dito, ang mga aksyon, utos, at prosesong ilalabas ng justice panel habang recess ay mananatiling balido at epektibo.