-- Advertisements --

Pinatatawag ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang notary public na nag-notaryo sa isinumiteng affidavit ng kampo ng puganteng negosyante na si Atong Ang kaugnay sa kaniyang nawawalang rifle.

Ayon kay CIDG–National Capital Region (NCR) Chief Col. John Guiagui, inatasan ang notary public na magdala ng mga kaukulang dokumento may kaugnayan sa affidavit of loss bilang parte ng nagpapatuloy na paghahanap kay Ang, na may existing arrest warrants kaugnay sa pagkawala ng mahigit 30 sabungero na umano’y dinukot at pinatay.

Paliwanag ng CIDG-NCR Chief na layunin nito na masuri ang katotohanan kung saan kabilang sa kanilang titignan ay kung kailan isinumite ang affidavit, ano ang mga supporting document, dahilan sa pagkawala ng baril, kung totoo bang nanotaryo ito at kung humarap ng personal si Ang.

Matatandaan, nauna nang isinuko ng kampo ni Ang ang lima mula sa anim na baril sa mga awtoridad kasunod ng rebokaysyon ng kaniyang License to Own and Possess Firearms at Firearms Registration.

Habang ang isa sa baril na nakarehistro kay Ang na a.260 rifle, ay napaulat na nawala noong Oktubre 11, 2025 bago mapawalang bisa ang kaniyang permit, base sa isinumite ng abogado ni Ang na Affidavit of loss at police blotter report.