-- Advertisements --

Nadagdagan pa ang bilang ng mga major dam sa Luzon na nagpapakawala ng tubig dahil sa malawakang pag-ulan dulot ng habagat at bagyong Emong.

Unang nagbukas ng floodgate ang Ambuklao Dam, Binga, at Ipo Dam nitong nakalipas na lingo ngunit kinalaunan, sumunod na rin ang Magat Dam.

Sa kasalukuyan, 16 gates mula sa apat na pangunahing dam sa Luzon ang nagpapakawala ng tubig matapos muling magdagdag ng nakabukas na floodgate ang Ambuklao at Binga.

Walong (8) gate ang nakabukas sa Ambuklao at nagpapakawala ng 788 cms ng tubig habang anim na gate ang bukas sa Binga at nagpapakawala ng kabuuang 883.70 cms ng tubig.

Ang dalawang dam ay kapwa nakaka-apekto sa mga mababang komunidad sa Cordillera Administrative Region.

Isang gate naman ang nakabukas sa Ipo at nagpapakawala ng 38 cms na tubig.

Sa Magat, kabuuang 209 cms ng tubig ang pinapakawalan nito mula sa isang bukas na gate na may dalawang-metrong opening.

Samantala, sa loob ng 24 oras ay nakapagrehistro ng halos apat na metrong pagtaas sa lebel ng tubig ng San Roque Dam, ang pinakamalaking dam sa buong bansa.

Ang naturang dam ay apektado sa malawakang pag-ulan na dala ng bagyong Emong na unang nag landfall sa bayan ng Agno, Pangasinan.