Bagama’t nakalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Opong, patuloy pa rin na binabantayan ng Office of Civil Defense (OCD) ang epekto ng Southwest monsoon o Habagat sa Central Visayas.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Engr. Ver Neil Balaba, Assistant Regional Director at pinuno ng Disaster Risk Reduction Management ng Office of Civil Defense-7, partikular na tinukoy nito ang mga lugar na apektado ng malalakas na ulan at posibleng pagbaha.
Aniya, tinututukan ng ahensya ang mga hakbang upang mapabuti ang pagtugon sa kalamidad, tulad ng pagpapakalat ng impormasyon at paghikayat sa mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng mga pre-emptive evacuation.
Binanggit ni Engr. Balaba na mahalaga ang koordinasyon ng mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management councils at ang aktibong papel ng mga lokal na lider bilang nangungunang linya ng depensa sa oras ng sakuna.
Aminado naman ito na nananatili pa ring hamon ang pagpapalaganap ng kamalayan sa mga komunidad, ngunit kanyang tinitiyak na handa ang rehiyon sa mga posibleng epekto ng Habagat.