Nabatikos si Quezon City Rep. Bong Suntay matapos gumawa ng lewd remarks tungkol sa aktres na si Anne Curtis habang tinatalakay ang ikatlong impeachment complaint laban kay Sara Duterte sa House Committee on Justice.
Sinabi ni Suntay na ang mga alegasyon ng sedisyon laban kay Duterte ay dahil lamang sa pagdalo niya sa isang rally kung saan binatikos si Marcos. Bilang halimbawa, inihalintulad niya sa kanyang “imagination” nang makita si Anne Curtis sa isang mall, at iginiit na hindi siya pwedeng managot dahil ito ay nasa kanyang isip lamang.
Agad namang inutos ni San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora, vice chairperson ng committee, na tanggalin ang pahayag mula sa opisyal na talaan. Tumanggi si Suntay, na sinasabing walang sekswal o imoral sa kanyang sinabi, ngunit pinayuhan siya ni Zamora na hindi angkop ang ganitong pahayag lalo na sa pagsisimula ng National Women’s Month. Pinagtibay din ng committee chairperson na si Batangas Rep. Gerville Luistro na ang pahayag ay lumampas sa hangganan ng nararapat sa mga mambabatas.
Binigyang linaw ni Rep Suntay na nais niya lamang ipakita na hindi porket may “desire” ng gawin ay magiging criminal act niya kaya hinalimbawa niya rin ang kanyang personal na karanasan. Giit niya na hindi dapat sine-censor lahat sa pagdinig. Maaari kasi itong makita ng publiko na kapag may ayaw ang komite na pahayag sa pagdinig, mabilis lang nila itong matatanggal sa record.
Samantala, tinalakay ng committee ang ikatlong impeachment complaint na isinampa ng mga clergy at abogado laban kay Duterte. Natanggal na ang una at pangalawang complaints, habang ang ikaapat na reklamo nina lawyer Nathaniel Cabrera at inendorso nina Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. at Deputy Speaker Paolo Ortega V ang natitirang nasa committee jurisdiction. (report by Bombo Jai)
















