Pumalo na sa 26 ang naitalang mga nasawi sa pananalasa nang mga nagdaang bagyong Mirasol, Nando, at Opong ayon ‘yan sa naging ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa kanilang situational report, apat sa mga nasawi ay naitala sa Cordillera Administrative Region (CAR), habang 22 naman ang pinoprosesong i-validate sa iba pang rehiyon kabilang ang Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, Central Visayas, at Eastern Visayas.
Iniulat din ang 33 sugatan, kung saan 14 dito ay bina-validate pa, at 14 na iba pa ang kasalukuyang nawawala.
Samantala mahigit 738,000 pamilya o halos 2.8 milyong indibidwal naman ang apektado ng mga nagdaang bagyo, kung saan mahigit 46,000 pamilya ang nananatili pa sa 2,680 evacuation centers, at higit 31,000 pamilya naman ang nakatanggap na ng tulong sa labas ng evacuation centers.
Kaugnay nito iniulat din ng NDRRMC na nangunguna ang Bicol Region sa dami ng apektadong tao, lalo na sa Masbate kung saan humagupit ang bagyong Opong noong Biyernes.
Dagdag nito umabot na sa P864 million ang iniwang pinsala sa imprastruktura ng mga nagdaang bagyo mula sa iba’t ibang rehiyon, habang sumipa naman sa mahigit P1 billion ang pinsala sa agrikultura.