-- Advertisements --

Matagumpay na naitawid ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang fuel subsidy mission para sa mga Pilipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) ngayong Huwebes, Hulyo 23.

Ito ay sa kabila ng mapanganib na harassment at pagbomba ng water cannon ng China Coast Guard (CCG).

Sa isang pahayag, sinabi ni PCG spokesperson for the WPS Rear Admiral Jay Tarriela na bandang alas-5:54 ng umaga, lumapit ang barkong CCG 3302 sa distansyang 50 metro sa harap ng BRP Datu Dumangsil. Pagdating ng alas-6:29 ng umaga, binomba nito ng water cannon ang barko ng Pilipinas sa loob ng mahigit dalawang minuto.

Bandang alas-6:00 ng umaga, hiwalay na nagsagawa naman ng dangerous maneuver ang CCG 21579 kung saan hinarang nito ang BRP Datu Paiburong sa distansyang 500 metro.

Nakatanggap din ng radio challenge mula sa mga puwersa ng China ang PCG Cessna Grand Caravan habang nagsasagawa ng maritime domain awareness flight sa lugar.

Sa kabila nito, knumpirma ni Tarriela na walang naiulat na sugatan sa panig ng mga Pilipino at matagumpay na naipamahagi ng M/V Mamalakaya at BRP Datu Cabaylo ang mga krudo at food packs sa mga bangkang pangisda ng mga Pilipino. Nagpatuloy naman sa kanilang patrol at resupply operations ang BRP Datu Sumakwel.

Ang naturang misyon ay bahagi ng inisyatibong Kadiwa ng Bagong Bayaning Mangingisda (KBBM) upang matulungan ang kabuhayan at matiyak ang seguridad ng mga lokal na mangingisda sa West Philippine Sea.