Muling nagkaroon ng tensyon sa West Philippine Sea matapos bugahan ng Chinese Coast Guard (CCG) ang isang barko ng Pilipinas na maghahatid ng pagkain, gasolina, at iba pang suplay para sa mga mangingisdang Pilipino sa lugar.
Nabatid na ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay nasa layong 100 nautical miles mula sa Zambales nang sundan ito ng isang barko ng CCG.
Hiniling ng BRP Datu Dumangsil sa Chinese vessel na lumayo at panatilihin ang ligtas na distansya.
Tumugon naman ang CCG na pumasok umano ang mga barko ng Pilipinas sa tinatawag nilang Huangyan Island, ang tawag ng China sa Bajo de Masinloc.
Nang nasa 13 nautical miles na lamang ang mga barko ng Pilipinas mula sa Bajo de Masinloc, dito sila gumamit ng water cannon na hindi naman direktang itinutok sa barko ng Pilipinas.
Ayon sa Philippine Coast Guard, umabot ng halos dalawang minuto ang pagpapaputok ng tubig ng CCG.
Sa kabila ng insidente, natapos ng BFAR at Philippine Coast Guard ang kanilang misyon na maghatid ng tulong sa mga Pilipino doon.
















