-- Advertisements --

Agad na umaksyon ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang matulungan ang mga mangingisda sa bayan ng Bulan, Sorsogon kasunod ng napaulat na oversupply o labis na bulto ng isdang tamban, na kilala rin sa lokal na tawag na lawlaw.

Batay sa imbestigasyon ng ahensya, nag-ugat ang pagbaha ng suplay ng nasabing isda matapos pansamantalang itigil ang operasyon ng anim na fish processing plants sa lalawigan noong paggunita ng Semana Santa.

Dahil sa tigil-operasyon, malubhang nalimitahan ang pagbili ng mga negosyante sa tone-toneladang huli ng mga lokal na mangingisda.

Upang hindi masayang ang mga isda at maisalba ang kabuhayan sa lugar, mabilis na nakipag-ugnayan ang BFAR sa mga lokal na pamahalaan at industry stakeholders. Pangunahing tinututukan ngayon ng ahensya ang pagpapalakas ng sistema ng distribusyon upang maibenta ang mga sobrang isda sa iba’t ibang pamilihan sa loob ng bansa.

Bilang pangmatagalang solusyon, pinasimulan na rin ng gobyerno ang pagbibigay ng karagdagang pagsasanay sa mga mangingisda pagdating sa alternatibong pagproseso ng kanilang mga huli. Tinuturuan ang mga itong gumawa ng tinapa at bagoong upang tumaas ang halaga ng kanilang produkto at humaba ang shelf life nito.

Samantala, kinumpirma ng BFAR na muli nang nagbukas at normal nang tumatanggap ng bulto-bultong isda ang mga canneries sa lalawigan. Inaasahan ng mga awtoridad na ang pagbabalik-operasyon ng mga pabrika ay tuluyang magpapatatag sa presyo at suplay ng tamban, at pipigil sa panibagong insidente ng oversupply.