Nanindigan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na tuloy pa rin ang operasyon at pangingisda ng mga Pilipinong mangingisda sa gitna ng oil crisis.
Ito ay taliwas sa report ng isang organisasyon na nagsasabing halos kalahati na ng mga mangingisdang Pinoy ang tumigil dahil sa mahal na presyo ng langis.
Mayroong hanggang 2.5 million na mangingisda sa Pilipinas kung saan marami sa kanila ay nakapokus sa capture fisheries.
Ayon kay BFAR Spokesperson Director Nazario Briguera, posibleng anecdotal lamang o walang gaanong katotohanan ang naturang ulat, lalo dati na rin aniyang may mga financial at livelihood program ang pamahalaan bago pa man nagsimula ang krisis sa langis.
Ang mga naturang programa ay maliban pa aniya sa fuel subsidy na direktang tugon sa kasalukuyang fuel crisis.
Sa kabila nito, aminado ang BFAR official na sa kasalukuyan ay walang pormal na datos na nagpapakita kung gaano karami ang mga mangingisdang natigil na ang kanilang hanapbuhay dahil sa krisis.
Ayon kay Briguera, hindi pa nagsasagawa ang kawanihan ng formal survey ukol sa naturang issue. (report by Bombo Jai)















