-- Advertisements --

Hinihimok ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) ang pamahalaan at mga negosyante sa Pilipinas na pag-ibayuhin pa ang kanilang pagsisikap sa pagpapalakas ng pag-export ng iba’t ibang produkto ng bansa patungo sa mga bansa sa Gitnang Silangan.

Layon ng panawagang ito na samantalahin ang mga bagong oportunidad na hatid ng free trade agreement (FTA) sa United Arab Emirates (UAE), isang kasunduan na inaasahang magbubukas ng mas malawak na merkado para sa mga produktong Pilipino.

Sa isang pahayag , sinabi ni FFCCCII President Victor Lim na lubos nilang ikinagagalak at tinatanggap ang paglagda sa Philippines-UAE Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA).

Ito ang kauna-unahang FTA ng Pilipinas sa rehiyon ng Gitnang Silangan, isang milestone na nagpapakita ng lumalaking relasyon pang-ekonomiya sa pagitan ng Pilipinas at UAE.

Sa ilalim ng Comprehensive Economic Partnership Agreement , inaasahan na halos 95 porsyento ng mga produktong Pilipinong ini-export sa UAE ay makikinabang sa preferential o zero tariff rates.

Nangangahulugan ito na mas magiging competitive ang mga produkto ng Pilipinas sa merkado ng UAE dahil mababawasan o maaalis ang mga taripa o buwis na ipinapataw sa mga ito.

Bukod pa rito, hindi lamang kalakalan ang sakop ng kasunduan. Kasama rin dito ang kooperasyon sa iba’t ibang larangan tulad ng digital trade, na naglalayong mapabilis at mapadali ang transaksyon sa pamamagitan ng teknolohiya.

Saklaw din nito ang pagsuporta sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) upang mapalakas ang kanilang kakayahan at makipagkumpitensya sa pandaigdigang merkado.