Nauwi sa girian at nagkaroon ng bahagyang tensyon sa pagitan ng mga rallyista at mga pulis sa isinagawang pagmamartsa at kilos protesta sa bahagi ng Maynila nitong Linggo, Marso 8.
Pinangunahan ng grupong Gabriela, Kabataan at iba pang militanteng grupo ang nasabing programa.
Batay sa inisyal na impormasyon, nagumpisa ang tensyon matapos na subukan ng mga demonstrador na magmartsa mula sa Liwasang Bonifacio hanggang sa harapan ng US Embassy na agad namanng naharang ng pulisya.
Dito na umano nagumpisang manigaw, manulak at manakit ang ilan sa mga miyembro ng mga militanteng grupo.
Sa kabila nito ay pinanatili pa rin ng pulisya sa pangunguna ng Manila Police District (MPD) ang pagpapanatili ng mataas na antas ng pagtitimpi upang maiwasan ang mas pagtaas ng tensyon sa pagitan ng dalawang panig.
Sa huli, napagkasunduan ng mga rallyista at ng pulisya na sa mismong kahabaan na lamang ng Kalaw Ave. isagawa at tapusin ang kanilang programa dahil malinaw na nakasaad sa mga ordinansa na hindi bahagi ng mga freedom parks ang bahagi ng US Embassy.
Samantala, pinanawagan ng grupo kung paanong nakakaapekto sa mamamayang Pilipino lalo na sa mga nanay at mga manggagawa ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin bunsod na rin ng ongoing armed conflict sa Middle East.
Kasama rin sa mga naging panawagan ang tungkol sa pagtulak na maipasa ang panukala na naglalayon na tanggalin na ang Value-Added Tax (VAT) sa mga essential goods at maging sa ilang mga serbisyo maging ang pagpapataw ng tax sa mga produktong petrolyo.
















