Nagsampa ng reklamong kriminal ang Securities and Exchange Commission laban sa Villar Land Holdings Corp. at sa mga matataas na opisyal nito, kabilang ang pamilya ni dating Senador Manny Villar, dahil sa mga alegasyon ng market manipulation at insider trading.
Sa reklamo ng SEC, kabilang sa mga pinangalanang respondents sina Manny Villar Jr., dating Senadora Cynthia Villar, at mga anak nilang sina Manuel Paolo, Mark, at Camille Villar.
Ayon sa komisyon, nag-ugat ang kaso sa umano’y mapanlinlang na financial disclosures ng kumpanya noong 2024 kung saan pinalobo ang kanilang total assets sa P1.33 trilyon, ngunit lumabas sa audit na nasa P35.7 bilyon lamang pala ito.
Kinasuhan din ang mga kaalyadong kumpanya na Infra Holdings Corp. at MGS Construction sa paglikha ng artificial demand para itaas ang presyo ng stocks.
Nahaharap din si Camille Villar sa insider trading matapos umanong bumili ng libu-libong shares bago ang isang mahalagang anunsyo ng kumpanya noong 2017.
Binigyang-diin ni SEC Chairperson Francis Lim na hindi nila palalagpasin ang anumang fraudulent acts na nanlilinlang sa mga investors at sumisira sa integridad ng merkado sa Pilipinas.















