-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Ang nakuhang General Information Sheets o GIS mula sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang naging matibay na ebidensya nina Atty. Mary Helen Polinar Zafra para kasuhan ng graft at plunder si Surigao del Sur 1st District Rep. Romeo Momo Sr. sa Office of the Ombudsman.

Sa isang eksklusibong panayam sa Bombo Radyo Butuan, sinabi ni Atty. Zafra na hindi totoo ang pahayag ni Congressman Momo na ang kaso ay politically motivated.

Ayon sa kanya, mula pa noong 2019 sila humihingi ng certified true copy ng GIS mula sa SEC — ito ang taunang disclosure document na isinumite upang i-update ang SEC tungkol sa kasalukuyang corporate structure, pagmamay-ari, at mga key officers ng isang kumpanya.

Dito sila nalinawan na noong 2019, nang manalo si Momo bilang Construction Workers Solidarity (CWS) party-list representative, siya pa rin ay kabilang sa Board of Directors ng kanilang family company na Surigao La Suerte Corporation (SLSC).

Nakita rin nila na walang naisumiteng record ang nasabing kumpanya noong 2020 at 2021, habang noong 2023, kung saan siya ay kongresista na ng kanilang probinsiya, nakumpirma rin na miyembro pa rin si Momo ng Board of Directors ng nasabing kumpanya kungsaan umabot na sa mahigit isang bilyong piso ang nakulimbat na pera ng Momo family company mula sa mga infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways.

Dagdag pa rito, mayroon isang kaso na may kinalaman sa mga fuel contracts na ibinigay din ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa SLSC — na siyang fuel supply business naman ng pamilya Momo ngunit hindi umabot sa 50-million pesos threshold kung kaya’t graft ang kanilang isinampang kaso.

Dagdag pa ni Zafra, kasama sa mga reklamante laban sa kongresista ng kanilang lalawigan ang anim na pari mula sa Diocese of Tandag at si Atty Alexander Malaque mula naman sa bayan ng Lingig sa nasabi ring lalawigan.