Binawi ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang accreditation ng property appraiser na E-Value Phils., Inc., matapos matukoy na “unreliable” at hindi sumusunod sa international valuation standards ang P1.33 trilyong fair value gains na iniulat nito para sa Villar Land Holdings Corp.
Ayon sa liham ng SEC Office of the General Accountant noong Nobyembre 12, inalis ang accreditation ng E-Value at ipinataw ang pinakamataas na P1 milyon na multa para sa paglabag sa Securities Regulation Code at regulasyon sa asset valuation.
Kasabay nito, inutusan ang tatlong Villar Land subsidiaries, Althorp Land Holdings, Chalgrove Properties at Los Valores Corp., na magsumite ng bagong appraisal reports dahil ang E-Value valuations ay hindi sumusunod sa International Valuation Standards at hindi maaasahan sa financial reporting.
Natukoy sa inspeksyon na maraming kakulangan sa appraisal work ng E-Value, kabilang ang hindi pagsumite ng dokumento para sa mahahalagang assumptions at valuation methods, sa kabila ng malaking ₱1.33 trilyong pagtaas ng halaga ng mga properties.
Binalaan ng regulator na may malawak na epekto sa merkado ang maling impormasyon, lalo’t ang Villar Land ay publicly listed at ginamit na sa audited financial statements ang mga valuations, na maaaring magdulot ng maling impormasyon sa publiko.
Isinagawa ang imbestigasyon sa bisa ng visitorial powers ng SEC sa ilalim ng Revised Corporation Code, na nagpapahintulot sa ahensya na magsiyasat at magpataw ng sanction sa mga paglabag.
















