Tiniyak ng Department of Justice na hindi maapektuhan ang ilalabas na resolusyon ng prosekusyon sa mga reklamong kinakaharap ni Vice President Sara Duterte sa kabila ng planong pagtakbo bilang pangulo sa susunod na eleksyon.
Mariing itinanggi ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez na mayroon epekto ang pagkandidato ng bise presidente sa magiging desisyon hinggil sa mga reklamo.
Sa naging pagtatanong ng Bombo Radyo sa naturang tagapagsalita, kanyang sinabi na hindi maapektuhan ang proseso o ‘assessment’ ng prosekusyon sa reklamong sedisyon at grave threats na isinampa laban sa kanya.
Giit niya’y kahit pa nag-anunsyo o hindi man si Vice President Duterte ng kanyang kandidatura bilang susunod na pangulo ng bansa, ay wala itong magiging epekto sa resolusyon.
Maging sa ibang indibidwal na may intensyon rin aniyang tumakbo sa anumang posisyon sa magaganap na halalalan sa 2028 ay ganito rin ang magiging pagtrato ng kagawaran.
Kasunod ang pahayag ng kumpirmasyon ng Department of Justice hinggil sa ‘status’ ng mga reklamong kinakaharap ng bise presidente.
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, ito’y kasalukuyang sisinuri pa ng ‘Division Head of Prosecutors’ o ‘under review’ pa ng prosekusyon.
Ibig sabihin, pinag-aaralan pang maigi ang ‘draft resolution’ na ilalabas ng prosekusyon kaugnay sa mga reklamong nabanggit.
Dito tutukuyin kung pormal ng isasampa bilang kaso ang mga ito o di’ kaya’y ibabasura na lamang at hindi na iaakyat sa kaukulang korte.
Kung babalikan, ang National Bureau of Investigation ay ang siyang nagsampa ng mga reklamong sedisyon at grave threats laban kay Vice President Duterte noong nakaraan taon 2025.
Ito’y may kinalaman sa mga pahayag ng ikalawang pangulo na pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr, First Lady Liza Araneta-Marcos, at former House of Representatives Speaker Martin Romualdez.
Ani kasi nito na meron siyang kinuhang ‘hitman’ na inatasan pumatay sa mga nabanggit na indibidwal sakaling siya’y mapatay.
Gayunpaman, aminado ang Department of Justice na wala pang tiyak na petsa kung kailan mailalabas ang resolusyon sa mga reklamo laban sa ikalawang pangulo.
















