Naniniwala si dating International Criminal Court (ICC) Judge Raul Pangalangan na sapat na ang abidensiyang iprinisenta ng prosecution para i-convict si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa dating husgado at dati ring nagsilbing dean ng U.P. College of Law, matibay ang mga ebidensiyang iprinisenta ng prosecution sa unang araw ng hearing, at sapat na aniya ang mga ito upang kumbinsihin ang mga husgado ng ICC.
Bago pa nagsimula ang pagdinig, inaasahan umano nito na iprepresenta ng panel ang kanilang witness para ipakita ang merito ng kanilang kaso.
Sa halip ay inisa-isa aniya ng mga prosecutor ang ilang ‘specific details’ ng mga kasong ini-aakusa kay Duterte, kasama na ang video clips na nagpapakita sa mga kontrobersyal na pahayag noon ng dating pangulo.
Hindi rin isiinasantabi ng dating ICC judge ang posibilidad na inihahanda at iniipon pa ng panel ang kanilang ‘strongest evidence’ o pinakamalakas na ebidensiya para sa trial proper, sakali mang umusad ang kaso mula sa confirmation stage.
Kabilang sa mga iprinisenta ng panel sa unang araw ng confirmation hearing ng dating pangulo ay ang mga video ng dating pangulo kung saan inaamin niya ang ilang pagpatay, atilan pang kontrobersyal na kautusan sa kasagsagan ng illegal drugs campaign.
Sa naging pahayag naman ng senior trial lawyer ng Office of the Prosecutor na si Julian Nicholls sa kasagsagan ng pagdinig, sinabi niyang matibay ang hawak na ebidensiya ng prosecution at kayang-kaya ng panel na i-convict ang dating pangulo, kung magdedesisyon lamang ang mga judge na ituloy ito sa full trial.
















