-- Advertisements --

Hinimok ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon si Securities and Exchange Commission (SEC) Chairperson Francis Lim na linawin ang kanyang pahayag na ang flood control scandal ang sanhi ng ₱1.7-trilyong pagkalugi sa merkado.

Ayon kay Ridon, bumagsak na ang Philippine Stock Exchange index (PSEi) bago pa man lumabas ang isyu ng korapsyon.

Mula Hulyo 14 hanggang Setyembre 30, bumaba ang PSEi ng 8.75%, ngunit ang mas malaking pagbaba ay nagsimula pa noong Abril at umabot ng 21.9% bago pa pumutok ang kontrobersiya.

Giit niya, bagaman mahalaga ang integridad, ang tunay na dahilan ng mahinang merkado ay ang mga batayang problemang pang-ekonomiya, at dapat itong tugunan ng economic managers at pribadong sektor.

Bagama’t mahalaga ang mabuting pamamahala para mapanatili ang tiwala ng mga mamumuhunan, ang pangunahing responsibilidad sa pagpapabuti ng takbo ng merkado ay nasa kamay ng mga economic managers at lider ng pribadong sektor upang tugunan ang mga batayang hadlang sa paglago.