Tiniyak ng Maynilad Water Services Inc. na handa ang kumpanya sa posibleng epekto ng El Niño kahit bumaba na sa kritikal na antas ang tubig sa Angat Dam.
Ayon sa Maynilad, patuloy ang kanilang mga hakbang upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig sa kanilang mga consumer.
Bagama’t nakatulong ang mga pag-ulan mula sa bagyong Inday at pinalakas na habagat upang bumagal ang pagbaba ng tubig, patuloy pa rin umano ang paghahanda ng kumpanya para sa anumang posibleng sitwasyon.
Kabilang sa kanilang mga hakbang ang mas maingat na pamamahala ng pressure line ng tubig, paggamit ng regulating valves, at pakikipag-ugnayan sa mga ahensya tulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), at Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon naman kay Maynilad spokesperson Jen Rufo, mas handa na ngayon ang kumpanya kumpara noong nakaraang El Niño noong 2019.
Aniya, mas marami na silang karagdagang pinagkukunan ng tubig, mas kaunti na ang nawawalang tubig dahil sa pagpapalit ng mga lumang tubo, at mayroon na silang mga alternatibong source tulad ng Laguna Lake, reused water, at mga modular treatment plant.
Sinabi ng Maynilad na malaking tulong ang mga paghahandang ito upang mabawasan ang epekto ng posibleng matinding tagtuyot o kakulangan sa tubig.
Batay naman sa PAGASA, bumaba ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa humigit-kumulang 155 metro above sea level nitong Miyerkules.
Mas mababa ito sa itinakdang critical level na 160 metro at malayo sa normal na operating level ng dam.
















