Itinuring ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isang makasaysayang araw para sa sektor ng tubig, sa merkado at sa ekonomiya ng bansa ang paglilista ng Maynilad Water Services sa Philippine Stock Exchange (PSE).
Ayon sa Pangulo, ang hakbang na ito ay patunay ng pagtitiwala ng mga mamumuhunan sa pamilihang Pilipino at sa kakayahan ng sambayanan. Mula nang magsimula ang operasyon ng Maynilad mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas, patuloy nitong natutupad ang layuning maghatid ng malinis at maaasahang tubig sa mga tahanan sa West Zone ng Metro Manila.
Binigyang-diin ni PBBM na ang Initial Public Offering (IPO) ng kumpanya ay magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga mamumuhunan at magpapatatag ng transparency at accountability sa sektor ng tubig. Dagdag pa niya, ang mga programang pangkalikasan ng Maynilad gaya ng paggamit ng renewable energy, pangangalaga sa watershed, at climate-resilient water systems ay tumutugma sa adyenda ng pamahalaan para sa matatag at sustenableng ekonomiya.
Pinuri rin ng Pangulo ang pakikipagtulungan ng pribado at pampublikong sektor, na aniya’y susi sa pag-unlad ng bansa.
Ipinahayag din niya na ang paglilista ng Maynilad ay malinaw na mensahe sa mundo na ang Pilipinas ay bukas, handa, at sabik na makipagnegosyo.
Hinikayat ni Pang Marcos ang Maynilad na huwag kalimutan ang mga taong pinaglilingkuran nito at ipinaabot ang buong suporta ng pamahalaan sa kanilang mga bagong inisyatiba.
















