Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 6676 o ang “Energy Systems Storage Act” upang masiguro ang matatag at hindi napapatid na suplay ng kuryente sa bansa.
Sa botong 192-3, ipinasa ang panukala na naglalayong magtatag ng pambansang balangkas para sa pagpapaunlad at paggamit ng Energy Storage Systems (ESS).
Ang mga ESS ay nagsisilbing malalaking imbakan ng kuryente na maaaring gamitin tuwing may kakulangan sa suplay o emergency.
Layunin ng panukala, maiwasan ang mga brownout at aberya sa kuryente na nakakaapekto sa mga tahanan, industriya, at komersyo.
Renewable Energy (RE) Boost: Inaasahang lalakasan nito ang sektor ng renewable energy sa pamamagitan ng paghikayat sa mga investor na gumamit ng mga solar at wind power batteries, na magpapababa sa pag-depende ng bansa sa fossil fuels.
Incentives: Ang mga developer ng ESS ay maaaring makakuha ng mga insentibo sa ilalim ng Renewable Energy Law.
Regulasyon: Tutukuyin ng batas ang papel ng iba’t ibang ahensya tulad ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) sa pagpapatupad at pagbabantay sa mga pasilidad na ito.
Ayon kay House Majority Leader Sandro Marcos, isa sa mga pangunahing may-akda ng bill, ang sistemang ito ay maihahalintulad sa mga “battery” na ginagamit sa flashlight tuwing may outage. Binigyang-diin din niya na ang pag-deploy ng ESS ay magsisilbing mahalagang katuwang sa pagpapalawak ng malinis na enerhiya sa bansa.
“In terms of household application, these systems are like Energizer batteries which you use for your flashlight whenever there is a power outage. They are intended for emergencies,” pahayag ni Majority Leader Marcos.
Nakasaad din sa panukala na ang pagtatapon ng mga hazardous waste mula sa mga ESS ay susunod sa mga batas pang-ekolohiya, habang ang mga lalabag sa regulasyon ay papatawan ng kaukulang parusa sa ilalim ng EPIRA Law.
















