-- Advertisements --

Kinalampag ni Senador Sherwin Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) na harangin ang malakihang pagtaas sa singil sa kuryente at tiyaking ipatutupad ito nang pautay-utay upang hindi mabigla ang bulsa ng mga ordinaryong konsumer.

Sa isang pahayag, iginiit ng mambabatas na dapat mahigpit na bantayan ng komisyon ang electricity rates sa bansa at tuluyang ipagbawal ang sistemang one-time, big-time na dagdag-singil ng mga distribution utilities.

Ayon kay Gatchalian, ang unti-unting pagpapatupad ng taas-singil na hahatiin sa loob ng ilang billing cycle ay isang praktikal na solusyon upang maibsan ang epekto nito sa publiko.

Ipinaalala ng senador na ang sektor ng enerhiya ay isang regulated industry.

Dahil dito, binigyang-diin niya na pangunahing mandato ng ERC na kumilos, maging mapagmatyag, at protektahan ang taumbayan laban sa mga hindi makatarungang bayarin na lalong nagpapabigat sa pang-araw-araw na gastusin ng mga Pilipino.

Sa ilalim ng umiiral na Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), limitado ang kapangyarihan at pakikialam ng gobyerno sa direktang pagtatakda ng presyo ng kuryente sa merkado.

Gayunpaman, nilinaw ni Gatchalian na may kapangyarihan pa rin ang pamahalaan na mamagitan at gumawa ng kaukulang hakbang, partikular na kung ang pangunahing dahilan ng pagtataas ng presyo ay ang kakulangan sa supply ng enerhiya.