-- Advertisements --

Mariing iginiit ni Navotas City Representative Toby Tiangco na hindi dapat umano akuin o ipasa sa mga ordinaryong konsyumer ang ‘systems loss’ sa kuryente.

Kung saan muling isinumite ng mambabatas ang kanyang panukalang alisin na ang ‘systems loss charges’ sa buwanang singil ng kuryente sa Pilipinas.

Ang naturang muling paghahain ay alinsunod sa pahayag ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na hindi nararapat pasanin ng mga konsyumer ang systems loss charges bilang bahagi sa mga hakbang para mapababa ang mataas na singil o presyo ng kuryente sa bansa.

Ikinatuwa ni Rep. Tiangco na ang panukalang matanggal ang singil sa systems loss ay malinaw nang bahagi sa legislative agenda ng Pangulo.

Matagal na aniya itong sinasabi na hindi makatarungan na ang ordinaryong konsyumer pa ang pinagbabayad sa mga nananakaw na kuryente at pagiging hindi episyente na wala naman silang kinalaman.

Kung kaya’t kasunod sa talumpati ng presidente sa makaraan State of the Nation Address, umaasa ang mambabatas na makakakuha na ito ng sapat na suporta sa kongreso upang tuluyan nang maisabatas.

Panawagan niya sa mga kapwa kasamahan sa kongreso na suportahan ang panukalang batas lalo pa’t suportdo na rin mismo ng pangulo.