-- Advertisements --

Nagbabala ang Iran na maaaring maapektuhan ang umiiral na ceasefire understanding nito sa Estados Unidos kung magpapatuloy ang mga pag-atake ng Israel sa Beirut, Lebanon, sa gitna ng lumalalang tensyon sa rehiyon.

Ayon kay Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi, ang kasunduan sa Washington ay tumutukoy sa “ceasefire on all fronts, including in Lebanon,” at anumang paglabag sa isang lugar ay maaaring magresulta sa pagkawala ng kabuuang kasunduan.

Ang pahayag ay kasunod ng utos ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na magsagawa ng airstrikes sa Dahieh district sa Beirut, na tinawag niyang “terror infrastructure” na may kaugnayan sa mga pag-atake ng rocket at drone na iniuugnay sa Hezbollah.

Sinabi ni U.S. President Donald Trump na patuloy siyang nakikipag-usap sa magkabilang panig, kabilang si Netanyahu at mga kinatawan na may kaugnayan sa Hezbollah.

Sa kanyang social media posts, sinabi ni Trump na walang tropang ipapadala sa Beirut dahil sa umiiral umanong kasunduan na ihinto ang sigalot kapalit ng pagtigil ng Israel sa pambobomba sa Lebanon.

Gayunpaman, walang kumpirmasyon sa sinasabing direktang komunikasyon ng U.S. at Hezbollah.

Kinumpirma naman ni Netanyahu ang pakikipag-usap kay Trump ngunit iginiit niya na magpapatuloy ang Israel sa operasyon laban sa Hezbollah kung magpapatuloy ang militanteng grupo sa pag-atake sa mga sibilyan ng Israel.