Isinusulong ngayon sa Senado ang isang panukalang batas na magpapahintulot sa pamahalaan na kontrolin ang industriya ng langis at magpatupad ng price control upang protektahan ang mga konsyumer mula sa patuloy na krisis sa enerhiya.
Pormal nang inihain ni Senator Loren Legarda ang Senate Bill (SB) No. 2020 na tatawaging Bayanihan 3: Power to the People Act.
Layunin ng panukala na gawing institusyonal ang tugon ng bansa sa krisis sa pamamagitan ng pagbibigay ng awtoridad sa Department of Energy (DOE) at Department of Finance (DOF) na pamahalaan ang suplay at presyo ng petrolyo.
Kabilang sa mga pangunahing hakbang sa ilalim ng panukala ang pagpapatupad ng temporary price controls, rasyonalisasyon ng distribution margins at andatoryong re-lokasyon ng suplay ng enerhiya.
Papayagan din ng panukala ang emergency procurement para sa mabilis na pagbili ng mga produktong petrolyo, renewable energy systems, at iba pang pasilidad upang masiguro ang energy security.
Bukod sa regulasyon sa langis, magbibigay rin ang SB No. 2020 ng social aid gaya ng fuel subsidies para sa sektor ng transportasyon at agrikultura, loan payment reliefs, at tulong sa mga Overseas Filipino Workers na uuwi dahil sa krisis sa Middle East.
Ayon kay Legarda, layon ng batas na punan ang kakulangan ng Executive Order No. 110 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bagama’t nagdeklara na ito ng national energy emergency, ipinunto ng senadora na kulang ang kasalukuyang polisiya sa direktang proteksyon para sa mga mamimili at walang malinaw na timeline para sa mga agarang aksyon ng gobyerno.















