-- Advertisements --

Iginiit ni Senator Loren Legarda na dapat maglatag ang Kongreso ng malinaw na batas at polisiya para mapakinabangan ng mga Pilipino ang marine resources sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.

Ayon kay Legarda, mahalagang maipakita ng Pilipinas ang seryosong paggamit sa sovereign rights nito sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng legal, mapayapa at produktibong aktibidad pang-ekonomiya.

Dagdag pa senadora naghain siya ng panukalang Blue Economy Act na layong maglatag ng malinaw na balangkas para sa pamumuhunan at pagpapaunlad ng yamang-dagat sa bansa. 

Kaugnay nito, sinabi naman ni Senator Erwin Tulfo na dapat palakasin ang mga batas para matiyak ang transparency, pangangalaga sa kalikasan, patas na paghahati ng kita at proteksyon laban sa iligal na pagsasamantala sa marine resources ng Pilipinas. 

Iginiit din ni Tulfo na dapat makinabang ang mga Pilipino sa yamang-dagat ng bansa at hinikayat ang China na umalis sa Philippine EEZ upang mapakinabangan ito ng mga Pilipinong mangingisda.

Hbang binigyang-diin naman ni Legarda ang pagpapalakas at modernisasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) bilang mahalagang hakbang sa pagprotekta sa mga mangingisda at iba pang yamang-dagat ng bansa.

Samantala, muling inihain ni Senator Risa Hontiveros ang panukalang ideklara ang July 12 bilang National West Philippine Sea Victory Day bilang paggunita sa 2016 arbitral ruling pabor sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan ay mayroong tatlong panukalang batas sa Kongreso kaugnay sa pagpapalakas ng soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Kabilang rito ang Blue Economy Act, panukalang Center for West Philippine Sea Studies at panukalang National West Philippine Sea day.