Ikinalugod ni Senadora Loren Legarda ang maayos, mapayapa at mabilis na halalan ngayong 2025.
“Saludo ako sa COMELEC sa maayos nilang pamumuno ngayong halalan. Malaking bagay din ang sakripisyo at sipag ng ating mga guro, poll workers, at volunteers. Sila ang tunay na bayani ng ating demokrasya,” sabi ni Legarda.
Sa kabila nito, nagpahayag din ang senadora ng pag-aalala sa mga nangyaring gulo, krimen, at karahasan sa ilang lugar habang panahon ng halalan.
“Nakababahala na sa panahon ngayon, kung kailan dapat ay iginagalang ang karapatang bumoto, may mga nananakot at gumagamit pa rin ng dahas. Wala dapat lugar ang ganito sa isang demokratikong bayan. Nagpapasalamat tayo sa PNP at AFP sa kanilang ginawang pagbabantay para mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng mga botante,” giit ng senadora.
Muling iginiit ni Legarda ang mariing pagkondena ng estado sa paggamit ng karahasan upang impluwensyahan ang resulta ng halalan, at binigyang-diin na sinisira nito ang integridad ng demokrasya.
Dagdag pa nito, magandang pagkakataon ito para paigtingin pa ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng pagbubukas ng mas maraming impormasyon tungkol sa halalan.
Hinimok ng senadora ang poll body na maglabas ng election data na hindi nagpapakita ng pangalan at ibang pribadong impormasyon ng mga botante, pero makatutulong sa pag-unawa ng mga pattern sa pagboto–gaya ng sa kabataan, sa mga rehiyon, at iba’t ibang sektor ng lipunan.
Iminungkahi rin ni Legarda na mas palawakin pa ng ahensya ang kanilang portal o website para maisama ang mas maraming impormasyon tungkol sa halalan gaya ng edad, kasarian, lugar, antas ng edukasyon, at iba pa.
Maaari ring idagdag ang mahahalagang detalye tungkol sa mga kandidato, tulad ng kung sila ba ay reelectionist o unang beses na tumatakbo, at iba pang impormasyon.
Dagdag pang mungkahi ni Legarda na maganda kung makikipagtulungan ang COMELEC sa mga unibersidad, research institutions, at mga eksperto at data scientists upang matiyak na ang mga ganitong mga proyekto ay maisasagawa nang maayos.