Hinimok ni TINGOG Party-list Rep. Jude Acidre ang Senado na agad ipasa ang House Bill No. 4744 na magbibigay ng mas malawak na access sa dekalidad na edukasyon sa mga mahihirap at middle-income na estudyante sa pamamagitan ng government-funded voucher program para sa pribadong paaralan.
Layunin ng panukala, na inakda ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, na palawakin ang tulong-pinansyal mula kindergarten hanggang senior high school, lalo na para sa mga estudyanteng mula sa masisikip o kulang sa pampublikong paaralan.
Ayon sa panukala, mas mataas na tulong ang ibibigay sa mga “pinaka-nanganganib” at “underprivileged” na pamilya. Saklaw din nito ang suporta sa mga guro at ang posibleng salary subsidy.
Inaatasan din ang DepEd na pamahalaan ang programa at mag-reimburse sa mga kalahok na paaralan sa loob ng 60 araw.
Naipasa na ang panukala ng Kamara at kabilang ito sa mga prayoridad ng administrasyong Marcos sa ilalim ng LEDAC.










