-- Advertisements --

Naniniwala si Akbayan Rep. Chel Diokno na hindi pa super vital o crucial na buksan ang green box ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sa kasalukuyang yugto ng impeachment proceedings, hindi pa aniya ito kailangan dahil posibleng gamitin ito bilang dahilan para kuwestyunin ang proceeding sa korte.

Paliwanag ni Diokno, ang pagpapatawag sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ay dahil sa hindi maipaliwanag na kayamanan ng pangalawang pangulo.

Sapat na aniya ang mga nailabas ng AMLC na transaction record ng mga banko ni Vice President Sara Duterte at ang aktwal na kopya ng kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) para patunayang mayroon talaga siyang hindi maipaliwanag na kayamanan.

Maaalalang nagkasundo ang mga miyembro ng House Committee on Justice nitong April-22 hearing na hindi na muna buksan ang naturang box na naglalaman ng tax records ng mag-asawang sina VP Sara at Mans Carpio.

Sa kasalukuyang yugto ng proceedings kung saan naghahanap lamang ang komite ng probable cause, naniniwala ang mambabatas na hindi na muna kailangang ilabas ang nilalaman ng naturang box.

Gayunpaman, maaari aniyang buksan din ito kinalaunan, sa pag-usad ng reklamo sa mas mataas na yugto.