-- Advertisements --

Nagdeklara ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bohol ang 2 araw na province-wide suspension sa klase dahil sa inaasahang epekto ng bagyong Basyang.

Suspendido ang klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan sa buong probinsya simula ngayong araw, Pebrero 5 hanggang bukas, Pebrero 6.

Nakabatay ang desisyong ito sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa ginanap na Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) meeting kahapon.

Layon ng hakbang na ito na tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at mamamayan.

Tiniyak naman ng Kapitolyo na handa ang lahat ng departamento sa lalawigan, pati na ang iba pang ahensya ng gobyerno, sa pagdating ng bagyo.

Samantala, sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay weather specialist Ana Dumdum, sinabi nito na asahan sa Central Visayas ang katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan simula mamayang gabi hanggang bukas.

Hinikayat pa ni Dumdum ang publiko na maging mapagmatyag sa mga pinakahuling ulat, maghanda ng sapat na pagkain at emergency kit, at maging handa sa posibleng paglikas, lalo na kung may banta ng pagbaha o pagguho ng lupa.