Arestado ang limang suspek matapos masabat ng pulisya ang halos P2 milyon halaga ng hinihinalang ilegal na droga sa ikinasang magkahiwalay na operasyon sa Taguig City.
Batay sa ulat ng Taguig PNP, sa ikinasang buy-bust operation sa New Lower Bicutan noong Setyembre 9, apat na suspek ang nahuli. Nakumpiska sa kanila ang nasa 200 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.36 milyon, isang Glock 17 Gen 5 9mm na baril na may pitong bala.
Pinangunahan ng Southern Police District-District Drug Enforcement Unit kasama ang Taguig City Police Sub-Station 9 at Tactical Motorcycle Riding Unit ang buy-bust operation.
Samantala, isang 24-anyos na babae ang naaresto sa Barangay Ususan noong Setyembre 7 matapos makumpiska ang higit 420 gramo ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng P630,000.
Nagsimula ang operasyon sa regular na K9 patrol sa Grace Residences nang maamoy ng police dog ang isang kahon na iniwan sa lugar ng concierge. Matapos suriin ang CCTV, nahuli ang babae nang bumalik siya para kunin ang kahon.
May narekober din na isa pang supot na naglalaman umano ng marijuana mula sa suspek.
Sinabi ni Taguig City Police Chief PCol. Julius Añonuevo na magpapatuloy ang pagtutulungan ng mga awtoridad laban sa ilegal na droga.
Muling tiniyak ng pamahalaan lokal ng Taguig ang suporta nito sa mga legal na operasyon laban sa ilegal na droga ng Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement Agency, National Bureau of Investigation at iba pang awtorisadong ahensya.
Ayon sa lungsod, bukas ang kanilang tanggapan 24 oras, pitong araw kada linggo para sa mga lehitimong operasyon laban sa ilegal na droga.














