Naihatid na sa huling hantungan si dating Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile nitong Sabado ng tanghali, Nobyembre 22, 2025.
Naihimlay siya sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.
Ang kaniyang kabaong na nakabalot ng watawat ng Pilipinas, ay binigyan ng departure honors ng Armed Forces of the Philippines.
Kasunod nito ay isinagawa ang funeral march mula sa heroes’ gate patungo sa kanyang huling himlayan.
Nagkaroon ng huling bendisyon na pinangunahan ni Rev. Fr. Cherish Chester Serana bago tuluyang isinara ang libingan nito.
Dumalo sa seremonya sina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., Health Secretary Teodoro Herbosa, at dating Senador Gringo Honasan.
Naroon din ang dating ICT Secretary Ivan Uy bilang bahagi ng mga nagbigay-pugay.
Gayunpaman, ilang grupo tulad ng National Union of Peoples’ Lawyers ang tumutol sa paglibing kay Enrile sa sementeryo.
Para sa kanila, ito ay “grave distortion of history” dahil sa papel ni Enrile sa pagpapatupad ng Martial Law.
Itinuturing nila ang Libingan ng mga Bayani na hindi dapat maging “sanctuary” para sa mga taong sumira sa demokrasya.
Sa kabila ng kontrobersiya, nananatiling makasaysayan ang paglibing kay Enrile bilang isa sa mga personalidad na naging bahagi ng EDSA People Power Revolution.
Matatandaang nagdaos naman ng necrological service ang Senado para kay Enrile na nanilbihan bilang Senate president.
















