-- Advertisements --

Personal na bumisita si Vice Pres. Sara Duterte sa mga pamilya ng mga biktima ng naganap na shooting incident sa Banga National High School upang magpaabot ng kanyang pakikiramay at suporta.

Binigyang-diin ng bise presidente ang kahalagahan ng pagpapatupad ng mas malakas na culture of security sa mga paaralan, kabilang ang mas maayos na information-gathering upang agad matukoy at maiwasan ang mga sitwasyong naglalagay sa peligro sa mga estudyante.

Iginiit din niya na mahalagang magkaroon ng mga guro at school personnel na madaling malapitan ng mga mag-aaral para sa agarang gabay, tulong, at pag-uulat ng kanilang mga alalahanin sa kaligtasan.

Samantala, hiwalay namang bumisita sa naturang paaralan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla upang makipagpulong sa mga lokal na opisyal ukol sa mga hakbang na dapat ipatupad upang hindi na muling maulit ang pamamaril.

Ayon kay Remulla, tinututukan ng mga awtoridad ang posibleng impluwensya ng isang online community na nauugnay sa violent activities at nagmungkahi rin ng mas mahigpit na regulasyon sa paggamit ng social media ng mga kabataang edad 16 pababa, pati na ang maayos na pagtatago at pagmamay-ari ng mga baril.