Nagsampa ng reklamong obstruction of justice ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kay Senador Robin Padilla at ilang iba pang indibidwal kaugnay ng umano’y pagtulong sa pagtakas ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Kinumpirma ni Prosecutor General Richard Fadullon na inihain ang reklamo sa Department of Justice (DOJ) bago mag-alas-5 ng hapon nitong Huwebes.
Nauna nang inanunsyo ng CIDG nitong Miyerkules ang plano nitong pagsasampa ng kaso laban kay Padilla at iba pang personalidad dahil sa umano’y pagtulong kay Dela Rosa upang makaiwas sa mga awtoridad.
Mariin namang itinanggi ni Padilla ang alegasyon. Ayon sa senador, hindi niya tinulungan si Dela Rosa na tumakas kundi pinasakay lamang niya ito sa kanyang sasakyan palabas ng Senado noong madaling araw ng Mayo 14 matapos umano itong makisabay.
Samantala, sinabi ng CIDG na may kaugnayan ang insidente ng pamamaril sa Senado at ang umano’y pagtakas ni Dela Rosa.
“So, let me just say na two incidents po ‘yan. They are related,” pahayag ni CIDG chief Police Major General Robert Morico II sa isang press conference nitong Huwebes.
Si Dela Rosa ay nahaharap sa warrant of arrest kaugnay ng alegasyon ng pagiging indirect co-perpetrator sa kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa serye ng mga pagpaslang mula Hulyo 3, 2016 hanggang Abril 2018, kung saan hindi bababa sa 32 katao ang nasawi.
Matatandaan na tinangka ng mga awtoridad na isilbi ang warrant laban kay Dela Rosa noong Mayo 11 na nagresulta sa habulan sa loob ng Senado. Kalaunan ay inilagay siya sa protective custody ng Senado bago umano nakalabas ng gusali noong Mayo 14.
Inatasan na rin ni Justice Secretary Fredderick Vida ang mga law enforcement agency na tugisin at arestuhin si Dela Rosa, na kanyang tinawag na “fugitive from justice.” Hinimok din niya ang senador na boluntaryong sumuko sa mga awtoridad.
















