Kinumpirma ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na hindi umano aksidente ang pagkamatay ng dalawang Ateneo Men’s Basketball Team players na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili na nalunod sa Dipaculao, Aurora.
Ayon kay CIDG Director Police Major General Robert Morico, batay sa kanilang imbestigasyon, may mga pangyayari umano bago ang insidente na nagpapakita na alam ng mga kasama ng mga biktima ang kondisyon ng dagat, kabilang na ang malalakas na alon at agos.
Ilan sa mga manlalaro umano ay nasa dagat na humigit-kumulang 700 metro ang layo mula sa resort nang mangyari ang insidente. May ilang kasamahan din umano na nakaranas na nakalunok ng tubig alat.
Dahil dito, naglabas ng subpoena ang CIDG para sa 48 indibidwal na kaugnay ng insidente, kabilang ang mga coaches at staff ng Ateneo basketball team.
Muling ipinatawag si dating Ateneo head coach Tab Baldwin, ngunit hindi pa siya humaharap sa imbestigasyon. Nanawagan naman ang CIDG na makipagtulungan ito sa mga awtoridad.
Kasabay nito, naglabas ang Department of Justice ng Immigration Lookout Bulletin Order laban kina Baldwin, dating team manager Christopher “Epok” Quimpo, at iba pang staff ng koponan. Hindi ito nangangahulugan ng pananagutan, ngunit magbabantay ito kung magtatangkang umalis ng bansa ang mga ito.
Tinitingnan din ng DOJ kung may pananagutan ang Ateneo de Manila University. Sa pahayag ng unibersidad, nakikiisa sila sa imbestigasyon at ilalaan ang kanilang mga paliwanag sa tamang legal na proseso.
















