Nanindigan si Senador Robin Padilla na hindi niya sasabihin ang kinaroroonan ni Senador Ronald dela Rosa kahit alam niya.
Ito ang naging tugon ng senador nang tanungin kung nasaan si dela Rosa, na kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad dahil sa kaniyang kinakaharap na arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) may kaugnayan sa kaniyang naging papel sa drug war ng nakalipas na Duterte Administration.
Matatandaang noong Mayo 28, inirekomenda ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group ang paghahain ng obstruction of justice charges laban kay Padilla kaugnay sa pagtakas ni dela Rosa mula sa premises ng Senado noong madaling araw ng Mayo 14.
Ayon kasi sa CIDG, ang ginawa ni Padilla ay hindi simpleng “hitch ride” lamang kundi isang highly coordinated at pre-planned logistical maneuver para hindi matimbrehan ang pagtakas ng kapwa senador mula sa Senado.
Noong Mayo 21 naman nang tuluyang ipag-utos ng Department of Justice ang pag-aresto kay dela Rosa.
















