Kapwa nagpahayag ng pag-aalala ang Pilipinas at Estados Unidos sa ikinakasang military exercise ng China malapit sa paligid ng Taiwan, na sinasabing nagpapataas ng tensyon at nagbabanta sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Thomas “Tommy” Pigott, Principal Deputy Spokesperson ng U.S. Department of State, na ang mga hakbang at retorika ng China laban sa Taiwan ay hindi kinakailangang nagpapalala ng tensyon.
Hinimok ng Estados Unidos ang Beijing na magpigil, itigil ang military pressure. laban sa Taiwan, at makipagdayalogo sa makabuluhang paraan.
Muling iginiit ng U.S. ang suporta nito sa kapayapaan at katatagan sa Taiwan Strait at ang pagtutol sa anumang unilateral na pagbabago sa umiiral na kalagayan, lalo na sa pamamagitan ng puwersa o pamimilit.
Samantala, nagpahayag din ng matinding pag-aalala ang Department of National Defense (DND) sa mga aksyon ng militar at coast guard ng China sa paligid ng Taiwan.
Ayon sa DND, pinahihina ng mga ito ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon at lalong nagpapabigat sa isang marupok na sitwasyong geopolitikal.
Sinabi ni Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. na ang lumalalang pamimilit ng China ay may mas malawak na implikasyon hindi lamang sa ugnayang cross-Strait kundi sa buong Indo-Pacific.
Binigyang-diin ng Pilipinas ang kahalagahan ng pagpigil sa sarili, paggalang sa internasyonal na batas, at mapayapang pamamahala ng mga alitan alinsunod sa mga rehiyonal na pamantayan.
Muling pinagtibay ng DND ang suporta ng Pilipinas sa isang malaya, bukas, matatag, at rules-based na Indo-Pacific, kung saan ang mga hindi pagkaka intindihan ay nalulutas sa mapayapang paraan, nang walang panlilinlang, pamimilit, o pananakot.
















