-- Advertisements --

Iginiit ng Department of Justice na hindi awtomatikong tanggal mula sa ilalabas na resolusyon ng prosekusyon ang mga ‘state witnesses’ sa reklamong may kinalaman sa flood control.

Sa ipinadalang mensahe at pahayag ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, isasama parin ang mga ito sa resolusyon ng reklamo.

Bagama’t ‘discharged bilang state witnesses’, aniya’y pagdidiskusyunan pa rin ang alegasyon ng ‘conspiracy’ sa kanilang partisipasyon sa kaso.

Mailalahad raw kasi sa resolusyon ng prosekusyon ang patungkol rito kahit pa meron o walang ‘counter-affidavit’ at ‘manipestasyon’ ang respondents sa reklamo.

Kanyang tinukoy rito ang patungkol sa reklamong ‘plunder’ na kinakaharap ni former Sen. Bong Revilla Jr..

Kinuwestyon kasi ng kampo nito ang hindi pagsusumite nina former Department of Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo, Henry Alcantara at Gerard Opulencia ng kontra-salaysay dahil ‘discharged’ na sa kaso bilang mga ‘state witness’.