-- Advertisements --

Naghain ng panukalang batas si Leila de Lima, kinatawan ng Mamamayang Liberal Party-list, upang magsagawa ng malawakang review at reporma sa justice system ng bansa.

Sa ilalim ng House Bill No. 7635, bubuo ng isang komisyon na susuri sa paraan ng pag-iimbestiga, pag-uusig, at pagdedesisyon ng mga kaso, kabilang ang mga may kinalaman sa public officials at malakihang korapsyon. Layunin din nitong magrekomenda ng mga hakbang para gawing mas episyente, transparent, at accountable ang sistema.

Ayon kay De Lima, ang mabagal at madaling maimpluwensiyahang sistema ng hustisya ay nagpapahina sa demokrasya at rule of law, lalo na kung naaantala ang pananagutan sa mga kasong may kinalaman sa korapsyon.

Isasagawa ng komisyon ang mga pagdinig sa iba’t ibang panig ng bansa at kokonsulta sa hudikatura, law enforcement, civil society, at pribadong sektor, pati na sa marginalized sectors.

Iginiit ni De Lima na kailangang maisara ang mga legal loopholes upang maiwasan ang pang-aabuso at maibalik ang tiwala ng publiko sa justice system. (report by Bombo Jai)