KALIBO, Aklan — Nakakalungkot isipin na mismong isa sa mga opisyal ng pamahalaan ang kumukwestiyon sa pagmamay-ari ng Pilipinas sa Kalayaan Island Group.
Ito ay kasunod ng mungkahi ni Senador Rodante Marcoleta na isuko na lang ang ilang bahagi ng KIG dahil nasa labas umano ito ng EEZ.
Ayon kay former Magdalo Partylist Representative Gary Alejano, nagpapakita ito ng kawalan ng pag-unawa at pagpapahina sa posisyon ng Pilipinas.
Nagkaroon na aniya ng extensive discussion sa naturang isyu noong panahon pa ni dating Pangulong Benigno Aquino III, kung saan, nabuksan ang kamalayan ng publiko sa mga isyu sa West Philippine Sea.
Nakakadismaya umano na kahit walang ginagawang pagdepensa ang China, may mga mataas na opisyal ng Pilipinas ang dumedepensa para sa kanila.
Dagdag pa ni Alejano na hindi rin magandang isipin ang naratibong hindi na dapat makipag-away ang bansa sa China dahil mauuwi lamang ito sa giyera at hindi kaya ng Pilipinas na makipaglaban.
Sa katunayan, marami umanong paraan na maaring gawin para ipaglaban ang karapatan na hindi na aabot sa pakikipag-giyera.















