-- Advertisements --

Kasabay ng graduation ng Philippine Military Academy (PMA) “Talang Dangal” Class of 2026 sa Fort Del Pilar, Baguio City, nanawagan si Vice President Sara Duterte sa mga bagong opisyal na panatilihin ang integridad at tapang sa kanilang serbisyo.

Binanggit niya na ang kanilang pagsasanay ay nagbigay ng pundasyon ng disiplina at sakripisyo na dapat nilang gamitin sa pagtatanggol ng bansa.

Hinikayat niya ang mga kadete na maging huwaran ng karangalan at dignidad, at manatiling matatag sa harap ng anumang banta sa soberanya ng Pilipinas.

Nagpasalamat din siya sa kanilang pagpili ng landas ng serbisyo militar na kanyang tinawag na marangal at nakatuon sa kapakanan ng mga Pilipino.

Dagdag pa ni Duterte, ang kanilang serbisyo ay patunay ng determinasyon na ipagtanggol ang bansa at pangalagaan ang kalayaan ng mamamayan.

Sa huli, binati niya ang mga nagtapos at kanilang pamilya bilang bahagi ng bagong henerasyon ng mga tagapagtanggol ng bayan.